1st quarter nationwide simultaneous earthquake drill, nagsimula na

Umarangka na ang 1st quarter nationwide simultaneous earthquake drill na nagsimula alas-9 ng umaga kanina.

Layunin nitong mas maging handa ang mga Pilipino sa pagtugon sa lindol sakaling tumama ito lalo na sa inaasahang the “Big One” o ang malakas na pagyanig dulot ng inaasahang pagkilos ng West Valley Fault na maaring mangyari anumang araw.

Naging highlight ng programa ang pagpindot ng buton sa pagpwesto ng “duck cover and hold”.


Kanina sa mensahe ni Asec. Hernando Caraig Jr, officer in charge ng office of civil defense iginiit nitong walang pinpiliping panahon ang lindol kahit pa nasa pandemya kaya mahalaga na maging handa anumang oras.

Ginagawa umano ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para malaman ang tamang gagawin, bago, habang at pagkatapos ng lindol.

Sinabi pa nitong maigting ang kampanya ng gobyerno para sa disaster preparedness na kinakailangang suportahan ng publiko.

Kaya naman para mas maging ligtas ang komunidad dapat magkaroon ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos.

Sa panig naman ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Usec. Renato Solidum, sinabi nito na napatunayan na sa nakalipas na sakuna na bida ang may handa.

Aniya, dapat mapag-aralan kung ano ang mga ligtas at hindi ligtas na lugar para maiwasan ang pinsala.

Dapat din umanong mabigyan ng kamalayan ang kababaihan, matatanda at mga bata dahil kadalasan umano silang naiipit sa mga sakuna.

Ito ang ika-7 online NSED na isasagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) mula noong taong 2020.

Facebook Comments