Ipinrisenta kanina sa Mandaluyong City Hall ang suspek sa ‘Vaccine Slots for Sale’ na si Kyle Bonifacio.
Sa pulong balitaan, itinatanggi ni Bonifacio na nagbebenta siya ng slots ng bakuna at wala rin siyang koneksyon sa Local Government Unit (LGU).
Ani Kyle, kumpiyansa siya na wala siyang kasalanan at kusa siyang lumutang upang matapos na ang usapin.
Aniya, isa lang siyang simpleng high school student at walang kakayahang gawin ang ibinibintang sa kaniya.
Nang tanungin siya tungkol sa nag-trending niyang post sa Facebook kung saan nag-aalok siya ng vaccine slots sa isang kaibigan, iginiit niya na sa mga otoridad na lang siya magbibigay ng salaysay.
Nagulat ang tatay ni Kyle na isang barangay kagawad nang dumating sa kanilang bahay ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), dahilan para tawagan ng tatay si Mandaluyong Mayor Menchi Abalos upang ipabatid na isusuko nila ang kanilang anak.