Iginiit ni House Majority Leader Niña Taduran na payagan pa rin ang “work-from-home arrangement” para sa mga empleyado sa Business Process Outsourcing (BPO).
Kasabay nito ay hiniling ni Taduran sa Department of Finance (DOF), Philippine Economic Zone Authority at Fiscal Incentives Review Board na pag-aralan ang pag-aatas sa mga BPO worker na magbalik ng pisikal sa kanilang mga trabaho na sisimulan sa Abril 1.
Ikinatwiran ng kongresista na mayroong Telecommuting Law ang bansa na kung saan pinapayagan ang mga empleyado sa pribadong sektor na makapagtrabaho sa alternatibong lugar sa pamamagitan ng telekomunikasyon o paggamit ng teknolohiya ng computer.
Aniya pa, kahit nasa bahay ang ilang empleyado ng mga BPO pero dahil ang kanilang operasyon ay sakop pa rin ng ecozones ng bansa, makatwiran pa rin na mabigyan sila ng insentibo sa ilalim ng Republic Act 7916 o ang Special Economic Zone Act of 1995.
Paliwanag pa ng lady solon, praktikal na hakbang na payagang makapag-work-from-home ang ilang mga empleyado lalo pa’t tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo na sinasabayan din ng pagtaas ng pamasahe, bilihin at mga serbisyo.
Paalala ni Taduran na hindi pa naman balik sa normal ang lahat dahil sa COVID-19 at naririyan ang posibilidad na magsialisan ang mga investor sa bansa kapag ipinilit ang nasabing hakbang.