Tokhang survivor, pinawalang sala ng MeTC sa QC dahil sa kasong direct assault sa mga pulis

Pinawalang-sala ng Quezon City Metropolitan Trial Court (QC- MeTC) sa kasong direct assault ang biktima ng tokhang na nabuhay at pinasinungalingan ang akusasyon ng mga pulis na siya ay nanlaban.

Batay sa inilabas na desisyon ng QC- MeTC Branch 133, walang nakitang ebidensya na si Efren Morillo ang bumaril sa mga pulis sa isang umano’y drug operation sa Payatas noong Agosto 2016.

Si Morillo ay binaril sa dibdib at nagkunwaring namatay sa isang drug operation sa Payatas, QC noong Agosto 21, 2016, apat sa kanyang mga kasama ang napatay ng mga pulis.


Bagama’t may tama ng baril ay nagawa niyang gumapang patungo sa isang malapit na bangin, tumakas, at nagpaggamot, pero kinalaunan ay inaresto siya at inakusahan ng pagbaril sa ika-4 na pulis.

Sa pagpapawalang-sala kay Morillo sa kasong direct assault, sinabi ng korte na hindi nakita ng tatlong pulis na sangkot sa operasyon na nagpaputok ng baril si Morillo.

Sa halip, itinuro ng dalawang pulis ang kanilang kapwa pulis na si PO3 Allan Formilleza ang nagpaputok ng kanyang baril

Napag-alaman din ng korte na inamin ni PO3 Formilleza sa open court na ang ika-4 na pulis na binaril umano ni Morillo ay wala talaga sa lugar ng drug operation.

Nakita rin ng korte na nabigo ang prosekusyon na patunayan na pag-aari ni Morillo ang baril na ginamit niya at negatibo ito sa isinagawang paraffin test.

Binanggit ng korte ang presumption of innocence sa pagpapawalang-sala kay Morillo, na aniya ay nananaig sa presumption of regularity.

Ang mga pulis aniya ay hindi sumunod sa Philippine National Police (PNP) Double Barrel circular na nangangailangan ng koordinasyon sa lokal na drug abuse council para sa tokhang.

Si Morillo ay tinulungan ng Center Law na unang nagkuwestiyon sa Oplan Tokhang sa Korte Suprema noong Enero 2017.

Nananatiling nakabinbin ang petisyon ngunit ipinagkaloob ng Court of Appeals (CA) ang pribilehiyo ng Writ of Amparo kay Morillo sa kanyang pamilya at mga kasama noong Pebrero 2017.

Noong Marso 2017, nagsampa rin si Morillo ng mga reklamong administratibo at kriminal laban sa mga pulis ngunit nananatiling nakabinbin ang mga reklamo.

Facebook Comments