Umano’y misalignment sa National Tax Allotments, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Isinulong ni Leyte Representative Richard Gomez sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang umano’y misalignment sa National Tax Allotments ng mga Local Government Unit.

Kasamang pinapasilip ni Gomez ang funding requirements para sa buong debolusyon ng mga espedipikong national services na ipinag-uutos sa ilalim ng local government code o RA 7160.

Ang hirit na pagdinig ng Kamara ay nakapaloob sa House Resolution 599 na inihain ni Gomez na layuning mabigyang linaw ng national government kung saan kukunin ng mga local leader ang pondo para sa pagsalo ng ibang serbisyong pang nasyonal.


Paliwanag ni Gomez, hindi sapat ang makukuhang pondo ng ating mga lokal na pamahalaan mula sa national taxes para pantustos sa full devolution na iniuutos ng Executive Order 138 at RA 7160.

Ang full devolution ay base sa Mandanas ruling ng Supreme Court na nagkakaloob sa LGUs ng malaking share sa kita ng national government mula sa national taxes.

Kaugnay nito ay umapela si Gomez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na ipawalang bisa ang Executive Order 138 habang inaayos ng Kongreso at ng Executive ang iba’t ibang isyu kaugnay sa implementasyon ng full devolution of services.

Kaugnay nito ay inihain naman ni Gomez ang House Bill No. 6414 o panukalang “Local Government Units Full Devolution Gap Financing Fund”.

Facebook Comments