Bagong modus ng illegal recruitment ng mga Pinoy sa Myanmar, posibleng may mga sangkot na airport at immigration personnel

Duda si Senator Risa Hontiveros na posibleng sangkot ang ilang mga airport personnel at officials sa bagong modus ng human trafficking ng mga Pilipino sa Myanmar.

Mababatid na binanggit na ni Hontiveros sa kaniyang privilege speech ang bagong modus na pagre-recruit sa mga Pilipino sa Thailand bilang call center agent pero ‘yun pala ay sa Myanmar sila dadalhin para magtrabaho bilang mga scammer sa isang Chinese syndicate.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equalit, iniharap ang biktimang si alyas “Paulo” at inilahad niya ang naging proseso ng pagre-recruit sa kaniya.


Sa pagdinig ay napag-alaman na mayroong ‘escort’ na tumulong sa kaniya para mabilis na makalusot sa immigration kung saan pinagpanggap pa siyang empleyado ng airport at hindi bilang Overseas Filipino Worker (OFW) o turista.

Ikinumpara ni Hontiveros sa pastillas part 2 ang nangyaring iligal na pagre-recruit sa mga kababayan na aniya’y mas malala dahil kahit hindi dumaan sa immigration ay natatakan ang passport, binigyan ng pekeng ID bilang empleyado sa airport at mayroong umasikaso roon na hindi na kinailangan ang appearance at hindi rin pumila ang biktima.

Sa pagdinig, napag-alaman pa na 47 mga kababayan na biktima ng nasabing illegal recruitment sa Myanmar ang humihingi ngayon ng tulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) para makauwi sa bansa.



Facebook Comments