Nagsagawa ngayon ng emergency meeting ang world leaders na dumadalo sa G20 Summit sa Bali, Indonesia.
Kasunod na rin ito ng pagtama ng rocket ng Russia sa Przewodow sa Eastern Poland na malapit sa border ng Ukraine na ikinasawi ng dalawang katao.
Bago ang insidente, tuloy-tuloy na ang pagpapakawala ng missile ng Russia sa iba’t ibang siyudad sa Ukraine kung saan ang Kyiv ang pinaka-naapektuhan.
Pinangunahan ang emergency meeting ni US President Joe Biden na dinaluhan ng mga pinuno ng Germany, Canada, Netherlands, Japan, Spain, Italy, France at United Kingdom.
Agad din nagbigay ng tulong si Biden kay Poland President Andrzej Duda para sa gagawin imbestigasyon.
Sa ngayon ay naka-alerto na ang lahat ng military unit sa Poland habang nagpalabas na rin sila ng summon upang pagpaliwanagin ang Russia sa pagsabog.
Samantala, nagulat naman si European Council President Charles Michel sa nangyari kasabay ng pagtitiyak ang suporta ng EU sa Poland.
Nakikipag-ugnayan na rin ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) at ang United Kingdom sa Poland sa isinasagawang imbestigasyon.
Ang Poland ay bahagi ng military alliance na NATO na agad tutulong sa mga miyembro sakaling atakehin ng ibang bansa.