Umapela si Vice President Leni Robredo sa lahat na magtulungan sa gitna ng pandemya lalo’t isasailalim muli sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Ayon sa pangalawang pangulo, wala pang katiyakan kung may darating na ayuda mula sa pamahalaan para sa mga maaapektuhan ng dalawang linggong lockdown.
Kaya panawagan niya, ayudahan ang isa’t isa lalo na ang mga mawawalan ng hanapbuhay sa panahon ng ECQ.
Inihalimbawa rito ni Robredo ang pagdo-donate sa mga community pantry.
“During the ECQ, magsasara na naman yung mga negosyo… wala pang kasiguruhan kung may ayudang dadating e. Ang sabi, walang pondo [pero] umaasa pa rin tayo na magkakaro’n. Just in case walang ayuda, tayo na lang ang mag-ayuda dun sa mga nangangailangan. So, yun siguro yung pakiusap natin Ka Ely, isipin yung mga mawawalan ng ECQ ngayong ECQ,” ani Robredo.
Samantala, umapela rin si Robredo sa publiko, bakunado man o hindi pa na mag-doble ingat mula sa banta ng Delta variant.
“Magpabakuna po tayo. Kung meron nang suplay, magpabakuna na tayo. Dun sa mga nabakunahan, hindi nabakunahan, yung klase po ng pag-iingat, parati at pareho pa rin. Doblehin ang pag-iingat dahil sa Delta variant,” dagdag niya.