
Nagpadala na ng barko ang Western Command (WESCOM) ng Armed Forces of the Philippines sa Palawan para suriin ang bumagsak na debris na hinihinalang nagmula sa rocket ng China.
Sa panayam ng DZXL RMN Manila, kinumpirma ni Philippine Navy Spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang pagbagsak ng hindi pa matiyak na bagay base sa kwento ng mga residente.
Sa ngayon ay wala pa namang kakaibang insidente pero nilinaw ni Trinidad na maaaring magdulot ito ng panganib sa paglalayag kung galing ito sa pinalipad na rocket ng China.
Wala namang paglabag sa panig ng China dahil nag-aabiso naman o naglalabas ng babala sa ganitong aktibidad.
Nauna nang nagbabala ang Philippine Space Agency sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa inilunsad na Long March 12 rocket ng China.









