Nagpalabas ng Writ of Kalikasan ang Korte Suprema laban sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mines and Geosciences Bureau at dalawang minahan sa Palawan.
Kaugnay ito sa reklamo ng mga grupo ng katutubo sa Brooke’s Point Palawan sa umano’y iligal na operasyon ng Ipilan Nickel Corp. at Celestial Mining sa Mt. Mantalingahan.
Sa petisyon ng Indigenous Cultural Communities, tinukoy nila na pinasok na ng dalawang kompanya ang protected area na hindi bukas para pagminahan, iligal ang pagpapalawig ng MPSA o mineral production sharing agreement hanggang 2025 at nagkasala ang dalawang kompanya sa iligal na pagpuputol ng puno.
Bukod dito, iligal din ang operasyon ng mga ito dahil sa kawalan ng certificate of precondition mula sa National Commission on Indigenous People at ang pagkasira ng kapaligiran ay bunga ng kawalang aksyon ng DENR sa aktibidad ng mga nabanggit na kompanya.
Ang mga petisyon na ito ang pinagbatayan ng desisyon ng korte sa pagpapalabas ng Writ of Kalikasan kung saan Nakita ng Supreme Court na maaari ngang magdulot ng matinding pagkasira sa kabundukan ang pagmimina.