Nakapag-take down ng 2.2 bilyong fake accounts ang Facebook sa loob lamang ng tatlong buwan, mula January hanggang March, ayon sa ikatlong Community Standards Enforcement report na inilabas nito.
Halos doble ang bilang na ito kumpara sa naunang 1.2 bilyong accounts na tinanggal ng kumpanya noong fourth quarter ng 2018.
Hindi nalalayo ang inilabas na bilang sa 2.38 bilyong monthly active users ng Facebook, pero ayon sa social network, maraming bogus account ang nadedetect at agad agad tinatanggal ilang minuto lang matapos itong i-sign up.
Bilang resulta, tinatayang limang porsyente sa monthly active users sa Facebook ay fake.
Nakalagay din sa report ang bilang ng mga content na tinanggal ng Facebook sa first quarter ng 2019.
Mula January hanggang March, 19.4 milyong content ang inaksyunan ng Facebook, 2.1 milyon rito ay appeal mula sa users, habang 453,000 naman ang nai-restore.