2.3-M estudyante na hindi makapag-aral sa ilalim ng distance learning, ipinapa-prayoridad sa 2021 national budget

Ipinapa-prayoridad ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa 2021 national budget ang 2.3 milyong estudyante na hindi makapag-aral sa ilalim ng distance learning dahil wala pa ring kuryente sa maraming lugar matapos na manalasa ang mga bagyo sa bansa.

Sa paghimay ng Senado sa 2021 budget ng Department of Education (DepEd) at Department of Energy (DOE) ay mangangailangan ng P3.85 billion na pondo ang DepEd para mabigyan ng kuryente ang mga paaralan habang P25 billion ang kailangan ng DOE para matanggal ang backlog sa household connections.

Bukod sa hamon sa distance learning, dumoble pa ang bilang ng mga mag-aaral na nawalan ng access sa edukasyon, health, housing, nutrition, sanitation, malinis na tubig at marami ang nakakaranas ng mental health issues.


Batay sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), nangangailangan ng agarang tulong ng pamahalaan ang mga bata kaya umaapela ito sa Duterte administration na mapondohan ang pangangailangan ng mga ito.

Hinamon naman ni Infrawatch Convenor Terry Ridon ang Senado na maigting na rebyuhin ang infrastructure allocations ng lahat ng mga congressional districts dahil ang pondo dito ay maaaring mailaan sa mas mahahalagang programa na pakikinabangan ng mas nangangailangang sektor.

Naunang ibinulgar ni Senator Panfilo Lacson na sa P667 billion 2021 budget ng DPWH, P447 billion dito ay para sa mga congressional district at nasa P620 million hanggang P15 billion ang infrastructure projects ng bawat kongresista.

Dagdag pa dito ang biglaang insertions sa budget nang magpalit ng liderato sa Kamara at maupo si House Speaker Lord Allan Velasco.

Sinabi ni Lacson na sa laki ng insertions sa budget na ginawa ng Kamara ay sapat na sana ito para tulungan ang mga lugar na nasalanta ng mga nakalipas na bagyo.

Facebook Comments