2-anyos na lalaki, ginulpi raw ng karelasyon ng lola niya

960

Kalaboso ang isang lalaki sa Sampaloc, Maynila matapos umanong gulpihin ang dalawang-taong-gulang na apo ng kaniyang karelasyon.

Kinilala ng Manila Police ang suspek na si Cedric Gacute, 28.


Nagtamo ng malalaking pasa sa binti, bali sa kanang paa, at sugat sa tiyan ang biktima na nagpapagaling ngayon sa ospital.

Ayon sa pulisya, inireklamo mismo ng 45-anyos na babae ang nobyo dahil sa pananakit at paghampas ng paddle sa kaawa-awang bata.

Kuwento ng lola ng paslit, ipinagkakatiwala niya sa kasintahan ang apo habang siya ay nasa trabaho.

Nang madiskubre ang galos at sugat ng biktima, idinahilan daw ni Gacute na nabagsakan ito ng lamesa.




Pero pinasinungalingan ng mga saksi ang palusot ng suspek at sinabing nakita nilang sinasaktan nito ang musmos.

Agad naman naaresto ang salarin at nakuha sa kaniya ang isang baseball bat at paddle. Hinala ng pulisya, ito ang ginamit niya sa pananakit sa batang lalaki.

Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9262 at serious physical injury.

Facebook Comments