2-anyos, sinunog ng kaluguyo ng ina dahil umano sa nawawalang pera

Abo na nang madatnan ang isang 2-taon-gulang na lalaki matapos umanong sunugin ng nobyo ng nanay dahil sa nawawalang pera, iniulat sa Lanao del Norte.

Kinilala ang biktima na anak ni Janet Balde mula Segapod, Maigo, habang natukoy ang suspek na si Florencio Curay, 55-anyos.

Ayon sa Maigo Municipal Police Station, Linggo nang komprontahin ng suspek ang kalaguyong si Balde tungkol sa nawawala umanong P14,000.


Hindi pa man daw nakakasagot ang nanay ay kinaladkad na siya ni Curay pati na ang paslit palabas sa pinagtatrabahuhang videokehan.

Nakatakas sa suspek si Balde, ngunit naiwan ang bata na pinagbuntungan ng galit ni Curay.

Itinali umano ng nobyo ang paslit saka sinilaban kasama ang mga tuyong dahon.

Patay na ang biktima nang rumesponde ang pulisya sa insidente, habang nadakip naman ang suspek.

Sinampahan si Curay ng kasong arson at murder in relation to Republic Act 7610 o child abuse.

Facebook Comments