2 atletang nag-uwi ng ginto sa bansa na sina Yulo at Petecio, kikilalanin sa Kamara

Manila, Philippines – Naghain ng resolusyon si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para kilalanin ang dalawang world-class athletes na nag-uwi ng gintong medalya sa bansa.

Sa House Resolutions numbers 437 at 438 ay binibigyang papuri at pagkilala ng Kamara sina Carlos Edriel Yulo na kauna-unahang gold medalist ng bansa sa 49th FIG (Fédération Internationale de Gymnastique) Artistic Gymnastics World Championship sa Stuttgart, Germany at Nesthy Petecio sa pagkapanalo nito ng gold medal sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships na ginanap sa Ulan-Ude, Russia.

Nakasaad sa resolusyon na ang tagumpay nila Yulo at Petecio ay tagumpay at malaking karangalan sa bansa.


Ang dalawang atleta aniya ang nagsisilbing inspirasyon ngayon sa mga kasalukuyan at future Filipino athletes na hangarin ang tagumpay sa bawat sports na sinasalihan.

Samantala, hangad din ni Velasco ang tagumpay at suporta sa susunod na pagsabak ni Yulo sa 2020 Tokyo Olympic Games habang si Petecio naman ay naghahanda para sa Southeast Asian Games na gaganapin sa susunod na buwan dito sa Pilipinas.

Facebook Comments