Manila, Philippines – Hawak na ng PNP – Counter-Intelligence Task Force (CITF) ang dalawang bagitong pulis na nangikil umano sa isang lalaking suspek sa panggagahasa.
Kinilala ang mga pulis na sina PO1 Leomer Redondo Suarez at si PO1 Allan Madrigal.
Reklamo ng biktima, tinakot siya ng dalawang pulis na sasampahan siya ng kasong rape kapag hindi siya nagbigay ng P200,000 na bumaba pa sa halagang P50,000.
Inakusahan kasi siya ng panggagahasa ng kaniyang ka-board mate na babae noong August 18 matapos silang mag-inuman.
Pilit pa siyang pinagagawa ng promissory note ng mga pulis kung saan nakasaad na babayaran niya kada-buwan para mabuo ang halagang hinihingi nila.
Naaresto sina Suarez at madrigal sa isinagawang entrapment operation ng PNP-CITF sa Pasay City.