*Cauayan City, Isabela- *Tinupok ng apoy ang dalawang bahay na parehong mayroong ikalawang palapag pasado alas otso kaninang umaga sa Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela.
Sa eksklusibong pagtutuok ng RMN Cauayan, nilamon ng apoy ang dalawang bahay na na gawa sa kahoy na pagmamay-ari ng pamilyang Tolentino Turingan at pinapaupahan naman ni ginang Cecile Antiporda.
Apat na Fire Trucks mula sa ibat-ibang himpilan ang nagtulong-tulong upang apulahin ang sunog kung saan umabot ito sa ikalawang alarma.
Base naman sa pahayag ng anak ni ginoong Turingan, kasalukuyan umano siyang naglalaba sa labas ng kanilang bahay at nakita na lamang umano na nasusunog na ang ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Sa panayam naman ng RMN Cauayan kay Senior Fire Officer 1 Eliseo Cabasal ng BFP Cauayan City, Electrical overload ang pinagmulan ng sunog at tinatayang nasa walong daang libong piso ang halaga ng mga nasirang ari-arian ng dalawang nasunog na bahay.
Wala naman umanong naitalang nasaktan sa naganap na sunog.