Cauayan City, Isabela-Naranasan ng ilang residente ang pagdaan ng isang malaking ipo-ipo sa bayan ng Tumauini, Isabela, Lunes ng hapon, May 31,2021.
Pasado alas-4 ng hapon nang mapansin ng mga residente ang pamumuo ng ipo-ipo sa bahagi ng Barangay Lanna.
Makikita sa video ni Mico Sia, inakala ng ilang residente na isang usok mula sa sunog ang kanilang nakita pero laking gulat ng mga ito na isang ipo-ipo ang naranasan sa lugar.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ret.Col. Jimmy Rivera, PDRRMO Head, kanyang kinumpirma na isang ordinaryong ipo-ipo ang namataan sa bayan ng Tumauini at hindi buhawi na unang napaulat.
Sa isinagawang damage assessment ng MDRRMO Tumauini, dalawang (2) bahay na gawa sa light materials sa Barangay Sta. Catalina ang napinsala habang walong kabahayan sa barangay Malamag West ang bahagyang nasira.
Sa inisyal na datos ng mga otoridad, umabot sa 11 pamilya ang apektado ng pananalasa ng ipo-ipo.
Kaagad namang binigyan ng relief assistance ang mga naapektuhang pamilya habang inirekomenda sila sa MSWDO para mabigyan ng emergency shelter assistance.
Nagdulot din ng kawalan ng suplay ng kuryente sa pagdaan ng ipo-ipo habang maswerte namang walang naitalang nasaktan sa insidente.