2 Bangkay, Natagpuan sa Loob ng Sasakyan!

779

*Cauayan City, Isabela- *Dalawang bangkay ang natagpuan sa loob ng isang pick-up bandang 7:45 kaninang umaga sa bahagi ng Brgy San Antonio, Roxas, Isabela.

Sa inisyal na impormasyong natanggap ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakilala ang mga biktima na sina Tomas Greycochia, 59 anyos, byudo, residente ng Brgy. Rizal, Roxas, Isabela at Cristina Gragasin, 19 anyos, walang asawa, saleslady at residente naman ng Brgy. Nueva Era, San Manuel, Isabela.


Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Roxas, kanilang nirespondehan ang kanilang natanggap na impormasyon mula sa concerned citizen kaugnay sa natagpuang sasakyan na inabandona malapit sa parking area ng Myx Miniotel sa nasabi rin na barangay.

Sa kanilang pagresponde ay bumulaga sa loob ng pick-up na may plakang AJA 1218 ang dalawang bangkay na may parehong tama ng bala ng baril sa ulo habang mayroon namang isang nakitang butas ng bala sa kanang bintana ng sasakyan.

Dagdag dito, sa pagkumpirma ng mga otoridad sa Land Transportation Office (LTO) ay nabatid na ang narekober na Toyota pick-up ay nakarehistro sa pangalang Ryan Gutierrez na taga Brgy. Eden, San Manuel, Isabela.

Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments

From Advertisers