2 barangay health worker, patay matapos aksidenteng mabundol ng 10-wheeler truck sa checkpoint sa Maramag, Bukidnon

Nasawi ang 2 Barangay Health worker na nakatalaga sa Community Quarantine Control Point sa Sayre Highway, Camp-1, Maramag, Bukidnon matapos mabunggo ng 10-wheeler truck.

Ayon kay Police Brigadier General Rolando Anduyan, Regional Director ng PRO 10 nangyari ang aksidente pasado alas-10:00 ng gabi kagabi.

Mabilis umano ang patakbo ng driver ng 10-wheeler truck na may kargang sugarcane at bumangga sa 2 motorsiklo at 1 multicab van na nakaparada sa quarantine checkpoint.


Sa lakas ng pagsalpok, tinamaan ang mga nakapwesto sa checkpoint na sina Barangay Kagawad Aldren Gaitera at mga health worker na sina Jomalyn Buhayon, Margie Maribao at Beth Lumanca.

Dahil sa takot, tumalon sa sinasakyang 10-wheeler truck at sinubukang tumakas ng driver pero nahabol naman sya ng mga pulis.

Sa inisyal na mbestigasyon, lumalabas na nakainom ang drayber na kinilalang si Jimuel Ompoc na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Naisugod pa sa ospital sina Buhayon at Maribao, pero sila ay agad na binawian ng buhay.

Nagpapagaling naman sa ospital sina Gaitera at Lumanca matapos magtamo ng serious injury.

Facebook Comments