Tumungo sa Oman at India ang dalawang barko ng Philippine Navy na BRP Ramon Alacaraz at BRP Davao Del Sur para kunin ang mga donasyong personal protective equipment (PPE) mula sa foreign private company na kausap ng Office of Civil Defense.
Ayon kay Lieutenant Commander Maria Christina Roxas, sakay ng dalawang barko ang Naval Task Force 82 na kahapon ay nakarating sa Port Sultan Qaboos sa Oman.
Pagkatapos sa Oman, dadaan din sila sa Port Cochin sa India para kunin rin ang mga PPE.
Ang Naval Task Force 82 ay binubuo ng 400 mga miyembro ng Philippine Navy na pinamumunuan ni Marine Colonel Noel Beleran.
Ikinokonsidera naman ng Philippine Navy na historic sail ang pagbiyahe ng dalawang barko ng Navy sa dalawang bansa dahil makikita ang kakayanan ng navy na mapanatili ang kanilang operasyon kahit pa lumayag sa mga open oceans gaya ng Oman at India.
Samantala, babalik ang National Task Force 82 sa bansa sa ikatlong linggo pa ng Mayo dahil sasailalim muna sila sa mga precautionary measures para matiyak na COVID-19 free sila bago umuwi ng bansa.