2 barkong pandigma ng Australia, nasa Pilipinas

Manila, Philippines – Dumating na sa bansa ang dalawang barkong pandigma ng Australia.

Ayon kay Captain Lued Lincuna, ang tagapagsalita ng Philippine Navy, ngayong araw dumaong ang barkong Royal Australian Navy na Her Majesty Australian Ship Adeilade (III) at HMAS Darwin sa pier 15 south harbor Manila.

Ang pagdating ng dalawang barkong pandigma ng Australia sa bansa ay para sa limang araw na goodwill visit.


Kung saan ang mga crew ng dalawang barkong ito at mga miyembro ng Philippine Navy ay magkakaroon ng pagkakataon magpalitan ng ideya upang mas lalo pang mapaunlad ang kanilang kaalaman sa kanilang trabaho.

Bukod pa rito magkakarooon pa ng bonding ang mga ito sa pamamagitan ng mga gagawing sports events.

Ang barkong Adelaida ay isang amphibious assault ship na maaring makapaglanding ang isang helikopter na minamando ni Captain Jonathan Earley.

Habang ang barkong Darwin ay isang guided missile frigate na minamando ni Commander Phillip Henry.

Ang goodwill visit ay pagpapalakas rin ng relasyon ng bansang Australia at Pilipinas.

Facebook Comments