2 Bayan sa Isabela, Muling Tinamaan ng African Swine Fever

Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng mga kaso ng African Swine Fever (ASF) ang dalawang bayan sa Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2, ibinahagi nito na batay sa kanilang pinakahuling datos, muling sumulpot ang sakit ng baboy sa bayan ng Reina Mercedes kung saan limang (5) baboy ang isinailalim sa culling o pinatay at ibinaon sa lupa na pagmamay-ari ng dalawang (2) backyard hog raisers.

Tinamaan din ng ASF ang lahat ng WALONG alagang baboy ng isang (1) hog raiser sa bayan ng San Mateo.


Ayon pa kay RD Edillo, ikinukunsidera na ito ng DA na pang-third wave na ng ASF sa rehiyon dos simula nang tumama ang sakit ng baboy sa bansa noong nakaraang taon.

Una nang nakapagtala ang Lalawigan ng Cagayan ng mga kaso ng ASF na kinabibilangan ng mga bayan ng Aparri, Ballesteros, Claveria, at Piat kung saan umabot sa 179 na baboy ang isinailalim sa culling.

Kaugnay nito, tinitiyak ani Edillo na maibigay pa rin ng DA ang ipinangakong ayuda para sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF na hindi pa nababayaran noong mga buwan ng Setyembre 2020 kung saan tumama ang pinakamalaking dagok ng sakit ng baboy sa rehiyon dos.

Dagdag dito, muling inalerto ang mga kinauukulan para sa pagtatalaga ng ASF checkpoint sa bawat LGU upang mapigilan ang lalong pagkalat ng ASF sa mga karatig probinsya sa rehiyon.

Facebook Comments