Inihayag ni House Committee on Appropriations at AKO BICOL Party-list Representative Elizaldy Co, na mayroon ng mapagkukunan ang ₱2-B pondo para itulong sa mga retailers na maapektuhan ng price ceiling sa bigas.
Ayon kay Co, ang salapi ay kukunin sa unprogrammed funds habang mayroon ding pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para dito.
Bunsod nito ay sinabi ni Co, na nakikipag-ugnayan na sila kay DSWD Secretary Rex Gatchalian para sa pagbibigay ng subsidiya sa mga rice retailers.
Binanggit ni Co, na unang bibigyan ang mga rice retailers sa National Capital Region (NCR) at isusunod ang mga mahihirap o maliliit na retailers na nasa ibang rehiyon.
Ang paglalaan ng 2-bilyong pisong tulong sa rice retailers ay iniutos ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kay Representative Co bilang tugon sa nakaambang pagkalugi ng mga retailers dahil mas mataas nila nabili ang kanilang mga bigas kumpara sa price ceiling na sinimulang ipatupad ngayon.