San Mariano, Isabela – Tinangkang lusubin ng mga hinihinalang myembro ng New People’s Army ang Cafgu Detachment ng 77th Infantry “Kadre” Battalion sa Brgy. San Jose, San Mariano at Brgy. Casala dakong alas 9 ng gabi kahapon, Enero 23, 2018.
Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan News Team mula kay army Capt. Jefferson Somera, Division Public Affairs Officer ng 5th Infantry Division, tinatayang nasa sampung myembro ng makakaliwang grupo sa ilalim ng Melecio Casisola alyas Ka Milis ang sumalakay sa Detachment ng San Jose San Mariano.
Nagkaroon umano ng palitan ng putok ang magkabilang panig na tumagal ng limang minuto subalit bigo na makubkub ng NPA ang nasabing detachment kaya umatras ang mga ito
Samantala sa Brgy. Casala sa nasabi ring bayan, limang minuto rin ang itinagal ng pagpapaputok ng grupo ng hinihinalang NPA malapit sa detachment ng CafGu subalit hindi na umano gumanti ang grupo ng mga militar bagkus ay nagsipaghanda na lamang ang mga ito kung sakaling lumapit ang NPA.
Wala namang naiulat na nasaktan sa naturang mga insidente ng pagsalakay, subalit kinondena ito ng pamunuan ng 5th ID sa katauhan ni Brig. Gen Perfecto Rimando Jr.
Ayon sa opisyal nais lang umanong manakot ng mga terroristang grupo na itinaon pa sa pagdiriwang ng Bambanti Festival ang ginawang pananakot.
Ipinahayag din ng opisyal na lalong paiigtingin ng kanilang hanay ang pagbabantay sa kanilang mga nasasakupan upang maiwasan umanong makapaghasik ng anumang kaguluhan ang mga teroristang grupo.