Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police o PNP Anti-Kidnapping Group o AKG ang dalawang Chinese na dinukot ng kapwa nila Chinese at isang Pinoy sa Pampanga kagabi.
Kinilala ang dalawang dinukot na Chinese na sina Chenger Qiang at Zhoang Song Qin.
Habang ang suspek na Chinese ay kinilalang si Zhu Li at isang Pilipino na si Julius Gangan Tumolva, isang military officer pero AWOL o absence without leave simula pa taong 2004.
Ayon kay PNP-AKG Spokesman Police Major Ronaldo Lumactod, ang Chinese suspect ay supervisor ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO firm habang ang suspek na Pinoy ay nagta-trabaho bilang isang private security agent.
Sa ulat ng PNP-AKG, nagsumbong sa kanila ang kaibigan ng mga biktima na sina Lou Liqiang at Zhejiang dahil sa ginawang pagdukot sa mga biktima nitong February 22 sa Clark, Pampanga.
Dahil dito agad na nagimbestiga ang PNP-AKG at kanilang nadiskubreng empleyado ng POGO ang mga biktima.
Umalis umano ang mga ito sa kanilang kompanyang Shidaiken Technology Corporation dahil sa ginawa silang POGO workers taliwas sa pangakong magiging computer technicians sila.
Pero sa halip payagang umalis ay ikinulong sila sa isang hotel sa Pampanga, dahil dito ikinasa ang rescue operation at nakuha ang mga biktima at naaresto ang mga suspek.
Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45 baril, apat na magazines at anim na live ammunition, dalawang posas at isang kutsilyo.