Na-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawang barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa bisinidad ng pinagdarausan ng Multilateral Maritime Exercise sa Palawan.
Ayon kay AFP Western Command Spokesperson Capt. Ariel Coloma, namataan kahapon ng umaga ang barko ng PLAN na may bow number 578 sa bisinidad ng San Vicente, Palawan.
Ito’y nasa layong 7 hanggang 8 milya mula sa mga barko ng Pilipinas, Estados Unidos at France na magkakasama sa Multilateral Maritime Exercise.
Nauna rito, namataan din noong Sabado ang barko ng PLAN na may bow number 793, pero nawala na kahapon.
Ayon kay Coloma, wala mamang ginawang mapanghamong pagkilos ang mga barko ng China at wala ring untoward incident na naitala.
Ngayon ang huling araw ng limang araw na multilayers maritime activity sa Palawan at West Philippine Sea na nilahukan ng BRP Ramon Alcaraz (PS-16) at BRP Davao Del Sur (LD-602) ng Philippine Navy, USS Harpers Ferry (LSD-49) ng U.S. Navy, at FS Vendemiaire (FFH-734), ng French Navy.