2 Corn Planters, Libreng Ibinigay ng ‘Kiwanis International Group’ sa Farmers Cooperative

Cauayan City, Isabela- Personal na iniabot ng grupong Kiwanis International ang Corn Planter para sa mga Magsasakang labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha noong kasagsagan ng Bagyong Ulysses sa bahagi ng Isabela at Cagayan.

Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay Philippine Luzon District Governor Mauro Cocjin, pagtulong sa mga nangangailangan ang layunin ng kanilang grupo partikular ang mga magsasakang nasalanta ang mga pananim matapos maranasan ang malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng rehiyon dos.

Aniya, aktibo ang grupong Kiwanis International sa 83 bansa sa buong mundo kung saan nasa 600,000 na ang miyembro nito.


Ibinahagi rin niya ang dami ng mga miyembro ng grupo sa Luzon na higit kumulang 5,000 kung kaya’t mas madali aniya na maibahagi ang tulong sa mga nangangailangan.

Samantala, nagpasalamat naman si Ginoong Dextress Taguiam, founder ng ‘One Cagayan Valley Agriculture Cooperative’ mula sa Cagayan sa pagkakapili sa kanilang grupo para sa libreng Corn Planter.

Sabi niya, malaking tulong ito sa kanilang kooperatiba upang mas lalong maging produktibo ang mga magsasaka.

Sa huli, nagpasalamat rin si Gov. Cocjin sa pamunuan ng iFM Cauayan sa pagiging katuwang ng istasyon sa pagpili ng mga karapat-dapat na makinabang ng kagamitan mula sa grupo ng Kiwanis International.

Inihayag naman ni 98.5 iFM Cauayan Station Manager Christopher Estolas ang kanyang pasasalamat sa Kiwanis International dahil sa pagtukoy ng grupo sa istasyon upang ipaabot ang nasabing tulong na Corn Planter na halagang P90,000 bawat isa.

Aniya, iisa lang ang hangarin ng istasyon at Kiwanis International, at ito ay ang pagbibigay ng tapat at maaasahang serbisyo publiko.

Facebook Comments