Cauayan City, Isabela- Boluntaryong isinuko ang sarili sa mga awtoridad ng dalawang dating supporter ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Project SAGIP sa Delfin Albano, Isabela kahapon, Oktubre 11, 2021.
Nakilala ang mga sumuko sa alyas na “Pedro”, 47-anyos at “Karding”, 57-anyos na kapwa mga residente ng Barangay Villa Pereda sa nabanggit na bayan.
Una nang nakipagtulungan ang dalawang dating NPA sa kanilang kapitan ng barangay para isuko ang mga sarili sa mga awtoridad matapos umanong mapagtanto na walang naidudulot na maganda ang pagsuporta sa mga rebeldeng grupo.
Nabatid na taong 2013 ng maging bahagi ng grupong Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela o DAGAMI, ang dalawang sumuko na sinasabi umanong isang left leaning group na pinangangasiwaan ng isang nagsisilbing consultant ng Regional White Area Committee, Kilusan sa Lungsod at Sentro ng Bayan at Kalihim ng DAGAMI.
Pinangakuan umano ang dalawa na mareresolba ang land dispute o alitan sa lupa na kinasasangkutan ng mga ito sa kanilang lugar subalit hindi ito natupad.
Ang Project SAGIP (Sustaining our Advocacy to Grind Insurgency) ay proyekto ng Isabela PPO na naglalayong matulungan ang mga Communist Terrorist Groups (CTGs) at mga supporters nito na boluntaryong sumuko at magbalik loob sa gobyerno para matamasa ang tahimik na pamumuhay kapiling ang kanilang mga pamilya.