2 Drug Pushers sa City of Ilagan, Arestado sa Buy Bust Operation!

*City of Ilagan, Isabela*- Bagsak sa kulungan ang dalawang tulak ng droga matapos magpositibo sa ikinasang Drug Buy Bust Operation ng mga otoridad sa Brgy Calamagui 2nd, City of Ilagan, Isabela.

Timbog sina Romel Simangan alyas “Toys”, 20 anyos, residente ng Brgy Guinatan, City of Ilagan, Isabela at Kelvin Aggari alyas “Bong”, 19 anyos residente naman ng Brgy Guibang, Gamu, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, dakong 10:10 ng umaga noong Marso 17, 2019 nang ilatag ng mga kasapi ng Ilagan City Police Station ang Drug Buy Bust Operation katuwang ang PDEA RO2 SET Northern Isabela na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.


Matagumpay na nakabili ang isang poseur buyer kay Simangan ng isang pirasong folded paper na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana.

Nakuhanan rin mula kay Aggari ang dalawang folded paper ng tuyong marijuana at isang unit ng cellphone matapos itong kapkapan ng mga otoridad habang nakuha naman mula sap ag-iingat ni Simangan ang 500 pesos na buy bust money.

Nasa kustodiya na ng PNP Ilagan City ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments