Lumapit sa DZXL 558 RMN Manila ang dalawang empleyado ng isang arcade company na iligal na sinuspende at posible pang masibak nang walang due process.
Sa Tutok Trabaho segment ng programang Straight To The Point ng DZXL 558, ikinukwento nina Benjie Geneza, store accounting at Mark Alvin Tee, operation officer manager ng Planet Tom Inc. na dahil sa umano’y misdeclaration ay agad silang sinuspende ng 30-araw at posible pang masibak nang hindi man lamang dumaan sa tamang proseso.
Kwento ni Benjie, dahil sa dami ng trabaho ng araw na iyon, hindi agad na double check na may nawawalang isang libong token pero sa isinagawa nilang sariling imbestigasyon ay napatunayang walang nawawala at hindi lang nagtugma ang kanilang auditing.
Bunsod nito, ay agad silang ipinatawag ng kanilang human resource manager at agad na pinatawan ng suspensyon ng walang notice of investigation.
Sa paglapit ng Tutok Trabaho kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, binigyan diin nito na mali ang ginawa ng kanilang kompanya lalo na at hindi sila binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag.
Bunsod nito, pinadulog sina Benjie Geneza at Mark Alvin Tee sa opisina ni Secretary Bello upang maaksyunan at pormal na maipatawag ang kanilang kompanya upang pagpaliwanagin.