Una rito, ang biktimang si alyas “Albert” ay may nakasabayan na aplikante na nag-alok ng tulong upang masigurong makakapasok ito sa trabaho bilang bumbero ngunit kinakailangan umano niyang magbayad ng halagang P50,000 sa dalawang kakilala umano ng mga suspek na sinasabing may koneksyon sa loob ng Bureau of Fire Protection Office.
June 5, 2022, nakipagkita ang biktima sa dalawang suspek na kinilalang sina Isabelo Villaflor Ruiz, 61 anyos, may asawa, self-employed, residente ng Centro 1, Tuguegarao City at Anafe Dela Peña Sumacbay, 45 anyos, dalaga, online seller, at residente naman ng Bassig Street, Ugac Norte ng nabanggit na lungsod.
Nagsimula na ang transaksyon ng biktima at isa pa nitong kasamang aplikante sa dalawang fixer kung saan napag-usapan ang halaga ng kanyang babayaran upang masiguro na siya ay makapasok sa naturang ahensya.
Batay pa sa naging salaysay ng biktima sa mga awtoridad, kinakailangan umanong magbigay ng paunang bayad na P25,000 kung saan ipambabayad umano sa taong magpoproseso ng kanyang papeles sa loob ng BFP subalit hindi niya kaya ang hinihinging halaga ng dalawang suspek kung kaya’t sinabihan ito ng isang suspek na kahit magbigay na lamang ng halagang P10,000.
Bukod pa sa hinihinging pera, kailangan din daw magbigay ng biktima ng isang mamahaling alak para ibigay sa mataas na opisyal ng BFP kung saan gabi ng parehong araw ng magpadala ng pera na P1,550 sa suspek gamit ang isang online money transfer.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit at Bureau of Fire Protection Regional Office 2 na nagresulta sa pagkaaresto sa mga suspek matapos tanggapin ang sampung libong piso (P10,000.00) na “boodle money” mula sa kanilang biktima na si alyas Albert, 29 anyos, binata, residente ng Pallua Sur ng parehong lungsod.
Nakumpiska mula sa direct possession, control, at custody ng dalawang akusado ang “boodle money”, isang (1) Oppo cellphone, at isang (1) Nokia cellphone.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang dalawang suspek na nasa kustodiya ng Tuguegarao City Police.