2 HVT ng Droga, Arestado sa Magkahiwalay na Operasyon ng Awtoridad

*Cauayan City, Isabela*- Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya at itinuturing na High Value Target sa ikinasang Drug buy-bust operation sa Probinsya ng Cagayan.

Nakilala ang mga suspek na sina Randy Besa, 24 anyos, binate, isang construction worker at residente ng Brgy. Lingu, Solana, Cagayan habang kinilala ang isa pa na si Butch Cagurangan, 32 anyos, walang asawa at residente Brgy. Tanza ng Tuguegarao City.

Nahuli ang mga suspek sa pinaigting na kampanya kontra sa iligal na droga ng pulisya katuwang ang pinagsanib na pwersa ng Provincial Intelligence Branch na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.


Narekober sa pag iingat ni Besa ang isang pakete na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at dalawang daang piso (P200.00) na buy-bust money habang nadakip din ng alagad ng batas si Cagurangan at nakumpiska dito ang limandaang piso (P500.00) na marked money, isang cellphone, digital weighing scale at iba pang personal na gamit sa pagbebenta.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang suspek.

Facebook Comments