
Nadakip ng mga tauhan ng Philippine Army at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang wanted impersonators ni Army Chief Lt. Gen. Roy Galido sa isinagawang joint law enforcement operation sa Barangay Mapalad, Arayat, Pampanga noong February 25, 2025.
Kinilala ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala ang mga suspek na sina Antonio Oreño Cerbito at Ariel Oreño na pawang masterminds ng isang organized scamming group na nambibiktima ng government suppliers.
Ayon kay Dema-ala, modus ng mga suspek na magpadala ng mensahe na humihingi ng bayad para sa representasyon mula sa project holders at suppliers gamit ang mga social media account na nagkukunwaring si Gen. Galido.
Sa ngayon, hawak na ng PNP-CIDG ang mga suspek at nahaharap sa patong-patong na kaso tulad ng illegal usurpation, illegal possession of firearms and ammunition, at possession of illegal drugs.
Kasunod nito, binigyang diin ni Dema-ala na wala sa kanilang hanay kabilang na si mismong Army Chief Lt. Gen. Galido ang magso-solicit o manghihingi ng pera sa sinumang indibidwal.