
Nakakuha ng impormasyon si Senator Risa Hontiveros tungkol sa mga bansang pinuntahan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na hanggang ngayon ay nagtatago pa rin sa mga awtoridad.
Subalit kasabay nito ay ginisa ni Hontiveros ang Bureau of Immigration (BI) dahil sa kawalan ng impormasyon sa kinaroroonan ni Roque na nahaharap sa kasong human trafficking kaugnay sa POGO hub sa Porac, Pampanga.
Batay sa sources ni Hontiveros, si Roque ay lumipad mula Dubai papuntang Shanghai noong December 8, 2024 at nanatili lang doon ng isang araw at mula roon ay bumiyahe ito patungong Macau.
Inamin naman ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan na wala silang kumpirmadong impormasyon kung nasaang bansa si Roque sa ngayon.
Bukod dito ay wala ring hawak na validated proof ang BI tungkol sa impormasyong hawak ni Hontiveros.
Batay sa huling impormasyon ng BI, mayroong sightings kay Roque sa Dubai at umalis noong December subalit wala na silang ibang impormasyon kung nasaan na ito.
Bagama’t hindi pa malinaw, sinabi rin ng BI na nasa Japan si Roque at nagtangka itong pumunta ng US subalit naharang dahil na-deny ang check-in ngunit walang hold dito ang Japan authorities kaya hindi na nila alam kung saan eksakto naroroon si Roque.