Sumailalim sa restrictive custody ang dalawang nakatalagang jail guard ng San Jose del Monte City Police Station nang makatakas ang walong preso kahapon ng madaling araw sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay PMSgt. Rod Pating, ang imbestigador sa nangyaring jailbreak, iniimbestigahan na ngayon ang dalawang jail guard na agad pinalitan sa pwesto.
Paliwanag ni Pating, maaring maharap sa administrative case o mapatawan ng sanction ang mga ito depende sa makikitang kapabayaan kung bakit nakapuga ang binabantayang persons under police custody.
Nabatid na sa ngayon ay apat na mula sa walong PUPC ang naibabalik sa kulungan kung saan kabilang sa apat na muling nahuli na ay itong sina Arturo Conde, na nagtago sa Navotas City pero nahuli nang bumalik sa kanilang bahay sa Brgy. Graceville San Jose del Monte City, Bulacan at si Glenmir Ian Aguilar na nagtago sa kanilang bahay sa Brgy. Gumaoc at dalawang iba pa na una na ring nahuli na sina Edcel Briones at Jorensy Revise.
Matatandaan na alas-tres ng madaling-araw kahapon ng makatakas ang walo sa 30 preso matapos na putulin ng mga ito ang limang grills na bakal sa likod ng banyo ng San Jose del Monte City Custodial Facility.