2 Kasapi ng Lokal na Media, Sugatan nang Maaksidente!

*San Manuel, Isabela- *Sugatan ang dalawang kasapi ng lokal na media sa Lalawigan ng Isabela matapos bumangga sa isang Kalabaw ang sinasakyang motorsiklo pasado alas singko kaninang madaling araw sa pambansang lansangan ng Brgy. Nueva Era, San Manuel, Isabela.

Kinilala ang magkatrabahong biktima na sina Alfredo Iringan, 30 anyos, may-asawa, isang field reporter ng radyo, residente ng Tabuk City, Kalinga at backrider na si Margie Madria, 22 anyos, walang asawa, News writer at residente naman ng Bantug, Roxas, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), habang binabaybay ng dalawang biktima ang lansangan lulan ang itim na Honda Wave, walang plaka nang biglang tumawid ang isang kalabaw kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng motorsiklo at tuluyang sumalpok sa kalabaw.


Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang dalawang sakay ng motorsiklo na isinugod naman sa pagamutan ng rumespondeng Rescue 888 para sa kanilang karampatang lunas.

Dinala na sa San Manuel Police Station ang motorsiklo para sa kaukulang disposisyon.

Sa ngayon ay inoobserbahan pa sa pagamutan ang drayber ng motorsiklo matapos itong  mawalan ng malay.

Facebook Comments