2 Katao, Arestado sa Drug Buybust Operation ng PNP Cauayan City

57

Cauayan City, Isabela- Timbog ang isang empleyado ng pribadong kumpanya at isang may-ari ng tindahan sa isinagawang drug buy bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Jack Calzada, 44 anyos, may asawa, residente ng District 1, Cauayan City, Isabela at Sharon Sumulong, 44 anyos, walang asawa at residente naman ng brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng PNP Cauayan City kaugnay sa di umano’y ginagawang pagtutulak ng droga ng dalawang suspek sa Lungsod.

Dahil dito, naglatag ng drug buybust operation ang mga elemento ng PNP Cauayan City laban sa mga suspek na itinuturing na newly identified drug personalities.

Nagresulta ito sa kanilang pagkaka aresto matapos makabili ng isang (1) plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang isang poseur buyer na nagpanggap na bumibili.

Nakumpiska naman sa pag-iingat ng mga suspek ang apat (4) na lighter, isang (1) gunting, plastic na hindi nagamit, mga aluminum foil, isang (1) unit ng cellphone, belt bag kasama ang Php1,000.00 na ginamit bilang buybust money.




Nasa kustodiya ngayon ng PNP Cauayan ang dalawang suspek maging ang mga nakumpiskang item para sa tamang disposisyon.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang inihahanda ng pulisya na isasampa laban sa dalawang suspek.

Facebook Comments