2 Katao, Arestado sa Pag-iingat ng Baril!

*Isabela-* Arestado ang dalawang indibidwal dahil sa pag-iingat ng baril sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, unang naaresto ng mga otoridad si Edwin Ferrer, 59 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Gayaman, Binmaley, Pangasinan.

Siya ay nahuli ng mga kasapi ng PNP Cauayan City ganap na 3:55 ng hapon kahapon sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa pagdadala ng suspek ng baril patungo sa Lungsod ng Cauayan mula sa Palanan, Isabela.


Nang lumapag ang suspek sakay ng Cessna aircraft sa Brgy. San Fermin ay naaktuhan ng mga otoridad ang paglabas nito ng kanyang baril at ipinasok sa loob ng kanyang itim na bag.

Agad itong nilapitan ng mga otoridad na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto kung saan narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre 45 na may 14 bala, isang kutsilyo, dalawang cellphone at dalawang lisensya kabilang ang expired na lisensya ng baril nito.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 10591 at 2 counts na paglabag sa Omnibus Election Code si Ferrer na kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan Police Station.

Samantala, Huli rin ang isang magsasaka na kinilalang si Joel Dela Cruz, 36 anyos na taga Brgy. Tanggal, Cordon, Isabela matapos masamsaman ng isang Kalibre 38 nang ito ay manggulo sa nabanggit na lugar.

Dinala na sa Cordon Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments