Cauayan City, Isabela- Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD 705 o Anti-Illegal Logging ang dalawang lalaki matapos mahuli sa pagpupuslit ng illegal na kahoy partikular sa Pinacanauan River at Brgy. Maluno Sur, Benito Soliven, Isabela.
Nakilala ang dalawang nahuli na sina June Deang, 43 taong gulang, may asawa, magsasaka, residente ng Brgy. Ibuhan, San Mariano, Isabela at Ronie Cabico, 41 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente naman ng Brgy. Maluno Sur, Benito Soliven, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Krismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Benito Soliven, naaktuhan ang dalawang suspek na nagdidiskarga ng mga nilagareng kahoy sa nasabing ilog at nang sila ay hanapan ng kaukulang dokumento ay wala silang maipresinta.
Agad na dinakip ang dalawang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.
Nakumpiska ng mga rumespondeng pulis ang 14 piraso ng nilagareng kahoy o tinatayang aabot sa 360 boardfeet.
Ayon sa mga suspek, inorder lamang umano sa kanila ang mga kahoy para sana sa gagawing ‘Karison’.