Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga alagad ng batas ang dalawang kalalakihan na kinabibilangan ng isang High Value Individual (HVI) sa magkahiwalay na drug buy bust operation ng mga otoridad sa Lambak ng Cagayan.
Unang naaresto ng pinagsanib pwersa ng PRO2 Drug Enforcement Unit (DEU) ang itinuturing na HVI at number 10 sa listahan ng PNP at PDEA na si Leopoldo Abrin Jr aka “Onyok”, 39 taong gulang, may-asawa at residente ng Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Nadakip si Onyok sa isinagawang drug buy bust operation na isinagawa sa Brgy. Bone South ng bayan ng Aritao matapos mabentahan ng shabu ang isang PDEA Agent.
Nakumpiska sa pag-iingat ni Onyok ang isang sling bag, Php500.00 na pera at sampung (10) piraso ng heat-sealed transparent sachets na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops.
Mahaharap sa kasong Paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Nabatid na una nang naaresto ang suspek sa kaparehong kaso noong April 10, 2017 ngunit pinakawalan noong December 25, 2019.
Samantala, natimbog naman ng mga operatiba ng Cagayan Police Provincial Office, Gonzaga Police Station at DEU ang labing walong taong gulang na lalaki na kinilalang si Franklin Baclig, binata at residente ng Brgy. Paradise, Gonzaga, Cagayan dahil rin sa parehong pagtutulak ng iligal na droga.
Sa ikinasang drug buy bust operation ng mga otoridad positibong nabentahan rin ng suspek ang poseur buyer kung saan nakumpiska sa pag-iingat nito ang isang sachet ng hinihinalang shabu.
Parehong dinala sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.