*Cauayan City, Isabela- *Kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Lungsod ng Ilagan ang drayber ng kuliglig matapos itong bumangga sa kasalubong na sasakyan sa kahabaan ng Barangay Harana, Luna, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMSg. Arvin Gammad, imbestigador ng PNP Luna, nagtamo ng bali sa tadyang ang drayber ng kuliglig na kinilalang si Virgilio Toquero, 30 taong gulang, may asawa, nag-aalaga ng itik at residente ng brgy. Mambabanga ng nasabi rin bayan.
Ayon sa imbestigador, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat, pauwi na sa kanilang lugar ang drayber ng kuliglig at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, bigla na lamang bumangga sa kasalubong na Van patungong Cabatuan na minamaneho ni Reland Datul, 69 taong gulang at residente ng Roxas, Isabela.
Tumilapon sa kalsada ang drayber ng Kuliglig kasama ang isa pang sakay nito na agad namang dinala sa pagamutan habang walang nasugatan sa sakay ng van.
Nakatakda namang operahan sa tadyang ang drayber ng kuliglig dahil sa matinding pinsala na natamo nito sa katawan.
Sinabi pa ni PMSg., nagkaaregluhan din ang magkabilang panig at nangako ang drayber ng Van na sasagutin nito ang lahat ng magagastos sa ospital ni Toquero.