*Cauayan City, Isabela-* Arestado sa pagpupuslit ng mga iligal na kahoy ang dalawang katao matapos maharang ang kanilang sasakyan ganap na alas 3:00 kaninang umaga partikular sa Alicaocao bridge ng Brgy Alicaocao, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang dalawang naaresto na sina William Abu, 26 anyos, may-asawa, at Gilbert Barocca, 20 anyos, binata, kapwa helper ng truck at residente ng Brgy. Alicaocao, Cauayan City, Isabela habang nakatakas naman ang driver ng Isuzu Forward Truck na si Alyas Onad.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, agad na naglatag ng checkpoint ang PNP Cauayan City matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na mayroong isang truck na naglalaman ng iba’t-ibang klase ng kahoy na kasalukuyang ibinabyahe patungong Lungsod ng Cauayan.
Nang namataan ng mga otoridad ang nasabing truck na may plakang UGB 804 at may kargang mga kahoy ay agad itong pinahinto at hinanapan ng mga kaukulang dokumento subalit bigong magpresinta ng anumang papeles ang mga suspek na dahilan ng kanilang pagkakahuli habang nagawa namang tumakas ng driver ng truck.
Narekober ng mga otoridad ang nasa mahigit kumulang 3,000 board feet na kahoy na kasalukuyang nasa pag-iingat ng Cauayan City Police Station maging ang dalawang suspek at ang ginamit na sasakyan.
Inihahanda na ng PNP Cauayan ang kasong paglabag sa RA 705 o “Revised Forestry Code of the Philippines na isasampa laban sa mga suspek.