Arestado sa magkahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Korean fugitives na may kasong illegal drugs at fraud.
Unang naaresto sa Caloocan City ang suspek na si Lee Yun na may arrest warrant na inisyu ng korte sa Seoul.
Ayon kay BI-Fugitive Search Unit (FSU) Chief Bob Raquepo, si Lee ay nagpapasok ng droga sa Pilipinas na kaniyang kinukuha mula pa sa South Korea.
Sunod namang naaresto ng BI si Kim Youngin sa isang high-end condominium sa Maynila dahil sa kaso ng voice phishing at cyber fraud.
Si Kim ay miyembro ng international criminal syndicate na tumangay ng mahigit P26 million mula sa kanilang mga biktima.
Tiniyak naman ng BI na agad nilang aayusin ang deportation ng nasabing mga dayuhan para maharap nila ang kanilang kaso sa South Korea.