2 Kritikal, 2 Sugatan sa Pagsalpok ng Sasakyan sa Traysikel

Cauayan City, Isabela- Kritikal ang kalagayan ng isang nanay at bata na kabilang sa apat na sugatan na sakay ng traysikel matapos mabangga ng sasakyan dakong alas 11:20 kagabi sa pambansang lansangan sa bahagi ng barangay Dadap, Luna, Isabela.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Romy Aballa, 46 taong gulang, ang kanyang asawa na si Yolanda Aballa, 46 taong gulang, ang kanilang anak na si Jenin Rose Aballa, 17 taong gulang at ang kanilang limang taong gulang na pamangkin na si Audri Soriano na pawang mga residente ng Brgy. Mambabanga, Luna, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMSg Allan Barredo, tagapagsiyasat ng Luna Police Station, pauwi na sa kanilang bahay ang mga biktima mula sa Lungsod ng Cauayan lulan ang traysikel na minamaneho ni Romy Aballa at nang makarating sa bahagi ng brgy. Dadap ay nabunggo ang likurang bahagi ng traysikel ng sumusunod na Mitsubishi Montero Sport na sasakyan na minamaneho ni Aljon Mendoza, 27 taong gulang, Civil Engineer at residente ng Barangay Caloocan, Cabatuan, Isabela.


Bumaliktad ang sinasakyang traysikel ng mga biktima at tumilapon ang mga ito sa kalsada.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang Ginang habang nabali naman ang isang paa ng limang taong gulang na bata.

Ayon sa imbestigador, mabilis ang patakbo ng suspek at nabatid na nasa impluwensya din ito ng nakalalasing na inumin nang bumaybay sa kalsada.

Agad namang dinala ng Rescue 922 sa pagamutan ang mga biktima para sa atensyong medikal.

Nasa kustodiya ngayon ng PNP Luna ang suspek at siya’y mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Multiple Serious Physical Injuries and Damage to Property.

Facebook Comments