Cauayan City, Isabela- Tuluyang dinakip ng kapulisan ang dalawang lalaki matapos magpaputok ng baril sa barangay Naganacan, Cauayan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, ang mga suspek ay nakilalang sina Cyrus Baligod, 43 taong gulang, may asawa, self-employed at Virgilio Ramos, 44 taong gulang, may asawa, kapwa residente ng barangay Naganacan.
Nakilala naman ang nabaril na biktima na si Benjamin Agaoid, 53 taong gulang, magsasaka, negosyante, residente naman ng M.H Del Pilar, Alicia, Isabela.
Una rito, nagsasagawa ng implementasyon ng writ of execution o temporary restraining order ang isang sheriff ng MTC para sa isang lupa nang magkaroon ng alitan ang sheriff at si Baligod kung kaya’t nagpaputok ng baril ang huli.
Agad namang nakipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya ang isang concerned citizen kaugnay sa pagpapaputok ni Baligod na ikinatakot ng mga residente sa kanilang lugar.
Nang rumesponde ang kapulisan sa nasabing lugar, lumapit sa mga pulis ang biktima at itinuro si Baligod na siya ang nagpaputok ng baril.
Isinuko naman ni Baligod sa mga pulis ang kanyang Calibre 45 na baril at nakuha rin mula sa kanyang pag-iingat ang isang medallion M1911 A2 FS na may sampung (10) pirasong bala.
Bukod dito, nakumpiska rin sa loob ng sasakyan ni Baligod ang isang rifle bag na may lamang windham USA Caliber 223-5.56 mm, Cal. 45 pistol at mga magazine na may lamang bala.
Nakuha naman mula kay Ramos ang isang unit ng smith and Wesson SD40 na may kasamang magazine na naglalaman ng 13 pirasong bala.
Nasa kustodiya na ng PNP Cauayan City ang dalawang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.