2 Lalaki na kasama sa Nasunog na Fuel Tanker sa Nueva Vizcaya, Tukoy na

Cauayan City, Isabela- Tukoy na ang pagkakakilanlan ng tsuper at helper na kasama sa nagliyab na fuel truck matapos itong mahulog kagabi (September 12, 2021) sa tulay na sakop ng San Lorenzo, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ng Bagabag Police Station, nakilala ang drayber na si Filmor Timbuhan, nasa tamang edad at residente ng Magsaysay, Naguilian, Isabela habang ang helper nito ay nakilala naman na si Abner Dula na residente ng Reina Mercedes, Isabela.

Inihayag ni PMAJ. Romeo Barnachae Jr., Chief of Police ng Bagabag Police Station, nakipag-ugnayan umano sila sa isang kasamahan ng mga biktima na nakaligtas sa insidente at ikinuwento na nakaidlip umano ang drayber na dahilan upang mawalan ito ng control sa manibela at tuluyang mahulog sa tulay at magliyab.


Sa imbestigasyon ng pulisya, umabot sa tatlong oras bago tuluyang maapula ang apoy.

Posible rin umanong human error ang sanhi ng aksidente dahil walang nakitang palatandaan na nagpreno ang sasakyan bago ito mahulog sa tulay.

Sa ngayon ay naiuwi na ang bangkay sa pamilya ng mga nasawi sa malagim na sunog.

Gayundin, ligtas ng nakauwi sa kanilang pamilya ang tatlong biktima na kasama sa insidente at nagkaroon na ng pag-uusap sa may-ari ng fuel tanker.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga tsuper na mangyaring ipahinga muna ang mga sarili kung nakakaramdam ng antok para maiwasan ang anumang insidente.

Facebook Comments