2 Lalaki na Nagnakaw sa Opisina ng Alkalde, Arestado!

112

Cauayan City, Isabela- Nadakip na ng mga alagad ng batas ang dalawang (2) lalaki na nagnakaw sa munisipyo ng Enrile, Cagayan.

Nakilala ang mga suspek na sina Clifford Salvador, 39 anyos at Viner Valentin, 19 anyos, kapwa residente ng Brgy. Dumpao, Iguig, Cagayan.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang dalawang suspek sa municipal hall at nagpakilala ang mga ito na sila’y mula sa ‘We Are IT Philippines’ at humingi ng permiso sa guwardiya na susuriin nila ang internet connection na naka-install sa opisina ng alkalde.

Pagkalipas ng ilang oras, nawawalan ng koneksyon sa internet ang Administrator’s Office kaya’t itinawag ito sa service provider hanggang sa nadiskubre na may nawawalang PowerBeam.

Nasapul naman sa CCTV ang ginawang pagnanakaw ng dalawa at nabatid din na ang mga suspek ay hindi konektado sa sinabing kumpanya.

Agad namang iniulat ng service provider sa himpilan ng Iguig Police Station ang naturang insidente na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Narekober naman ang ninakaw na aparato at naibalik din sa pinagnakawan na opisina ng alkalde.




Facebook Comments