Tinatayang dalawang milyong dose ng COVID-19 vaccines ang mapapaso ngayong Hunyo.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni outgoing National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Usec. Myrna Cabotaje na sa ngayon ay isinasapinal pa nila ang numero.
Nagsasagawa pa aniya sila ng imbentaryo para makita kung ang mga bakunang ito ay kaya pang maiturok bago mapaso at ilan pa ang natitira hanggang abutan ng kanilang expiration.
Ayon pa kay Cabotaje, mayroon na silang ni-request mula sa COVAX facility na 300,000 dose ng COVID-19 vaccines para mapalitan ang mga napaso ng mga bakuna.
Mayroon din aniyang Pfizer vaccines ang inaasahang mapapaso sa Hulyo, Agosto at Setyembre, pero napalawig ng FDA ang shelf life nito nang hanggang 3 buwan.
Matatandaang hindi na inirerekumenda pa ng Department of Health (DOH), National Task Force against COVID-19 maging ng NVOC na bumili ng mga bakuna kontra COVID-19 ang papasok na Marcos Administration dahil sapat pa ang suplay ng mga bakuna hanggang sa katapusan ng taon.