2 Magkaibigan na Nahuli sa Pagbebenta ng Overpriced na 125 Galon ng Alcohol, Nakasuhan na!

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa RA 7581 o Price Act ang dalawang (2) magkaibigan na nadakip dahil sa pagbebenta ng mga alcohol na sobra-sobra sa itinakdang presyo ng DOH.

Kinilala ang mga suspek na sina May Cruz, 35 taong gulang, residente ng Brgy Soyung, Echague, Isabela at Joel Jaime, 41 taong gulang, drayber at residente naman ng Brgy. Bugallon Proper, Ramon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PltCol Arturo Marcelino, pinuno ng CIDG Isabela, nadakip ang 2 suspek sa kanilang inilatag na entrapment operation noong April 8, 2020 sa Brgy. Sinamar Sur, San Mateo, Isabela katuwang ang DTI Isabela, RIU2, IPPO PIB, Isabela HPT at PNP San Mateo.


Ayon kay PLTCol Marcelino, namonitor aniya nila sa social media ang transaksyon ng mga suspek kaya’t agad na inilatag ang nasabing operasyon na nagresulta sa pagkakahuli ng mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang 118 galon ng 70% solution Isopropyl Alcohol, pitong (7) galon ng 70% solution ethyl alcohol at ang halagang Php112,000.00 na ginamit bilang buybust money.

Ang bawat isang (1) galon ng alcohol ay ibinebenta ng mga suspek sa halagang Php900.00 mula sa itinakdang presyo ng DOH na Php 520.00.

Nasa kustodiya ng CIDG Isabela ang mga nakumpiskang alcohol at nakatakdang ipamahagi sa DOH para sa mga frontliners.

Sa ngayon ay nasa higit 10 na ang mga nahuhuli ng CIDG Isabela na mga lumalabag sa Price Act.

Giit pa ni PLTCol Marcelino, may mga tinatarget pa silang huliin dahil hindi aniya sila titigil na arestuhin ang mga taong nananamantala sa kapwa lalo na ngayong may krisis.

Binalaan naman nito ang sinuman na huwag magbenta ng sobra sa presyo ng produkto upang hindi na humantong sa pagkakahuli.

Facebook Comments